-- Advertisements --
Nabalot ng takot ang mataong carnival sa may Sitio Condring, Barangay Marbel sa bayan ng Matalam, Cotabato matapos ang malakas na pagsabog ng granada ilang minuto bago ang New Year.
Ayon kay Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael, nangyari ang pagsabog dakong alas-11:50 ng gabi nitong bisperas ng Bagong Taon.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng isang indibidwal na kinilala ng pulisya na si Romel Presto Cabiso, residente ng Barangay Marbel.
Agad namang dinala ng mga rumespondeng kapulisan ang iba pang nasugatang biktima sa ospital.
Nangyari ang pagsabog habang naghahanda ang mga tao sa lugar para sa pagsalubong ng taong 2025.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa naturang pagsabog.