-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isa ang namatay habang pito ang nasugatan sa naganap na banggaan kagabi ng kotse at pampasaherong van sa national highway sa Paddad, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alicia Police Station, ang Honda City na kotse ay minaneho ni Jessy Boy Nonan at sakay sina Mario Galandez, Julie Balog at Dante Adbiento.

Ang pampasaherong van ay minaneho naman ni Jayson Romero, 23 anyos at residente ng Antonino Alicia, Isabela at labintatlo ang pasahero.

Ayon sa mga responder ng Rescue 531 ng Alicia, naipit ang mga tsuper ng kotse kaya nagpasaklolo sila sa Rescue 922 ng Cauayan City at Echague Rescue Team.

Nasa kritikal na kalagayan ang tsuper ng kotse kaya dinala sa isang pribadong pagamutan ngunit binawian ng buhay.

Ang anim na nasugatan ay dinala rin sa isang ospital.

Ayon sa Rescue Alicia pawang mga minor injuries ang natamo ng mga biktima maliban sa tsuper ng van na nasugatan sa kanyang ulo na agad namang nalapatan ng lunas.

Tumanggi nang magpa-admit sa ospital ang isa sa mga pasahero dahil gasgas lamang ang kanyang natamo sa aksidente.

Batay sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, binabagtas ng kotse na minaneho ni Nonan ang pahilagang direksyon habang patungo sa kasalungat na direksiyon nang maganap ang banggaan ng dalawang sasakyan.