BUTUAN CITY – Nag-iwan ng isang patay ang nahulog na van sa pampang ng Purok 2, Barangay de Oro nitong Lungsod ng Butuan kaninang umaga.
Kinilala ang nasawi sa pangalang Michael Abab, habang may 11 pang nasugatan sa insidente.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng isa sa mga pasaherong si Pastor Simanes Jr., na mula sila sa bayan ng Cagwait, Surigao del Sur at mga empleyado sila ng local government unit para sana sa opisyal na lakad nila sa Butuan.
Ngunit dahil sa madulas na daan dulot ng patuloy na pag-ulan, hindi na nakontrol pa ng driver ang manibela kaya dumiretso na ito sa railing hanggang sa tuluyang nahulog sa ilog ang Toyota Hi-Ace van.
Napag-alamang dakong alas-5:00 ng madaling araw nilisan ng mga biktima ang kanilang bayan papunta nitong lungsod.