-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang security guard at dalawa ang nasugatan sa engkwentro sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Armand Kanapia, security guard ng Amavi Cavendish Banana plantation sa Barangay Brar, Datu Anggal, Midtimbang, Maguindanao at sugatan sina Datu Pagayao kasama si Kautin Sanday, mga tauhan ni Barangay Brar Brgy Kapitan Ugalingan Pagayao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Jibin Bongcayao na nagsagawa ng clean up drive ang grupo ni Kapitan Pagayao habang naglagay ng tent ang mga blue guard sa pamumuno ni Sadrudin Bantang sa plantasyon ng saging.

Biglang nagkasagutan ang dalawang grupo na may matagal ng alitan na humantong sa barilan.

Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.

Nang magresponde ang mga sundalo at pulis naabutan pa nila ang tatlo katao na sangkot sa barilan kaya dinis-armahan ito.

Nakuha sa posisyon ng mga suspek ang isang M14 rifle, isang kalibre .45 na pistola, isang 12-gauge shotgun, mga bala at magasin.

Isa ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa engkwentro na dinala sa pagamutan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Anggal PNP sa naturang pangyayari.