-- Advertisements --

Isa katao ang binawian ng buhay at tatlo ang nasugatan sa pananambang sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Usop Radjack at sugatan naman sina Pagal Abdullah,Tutin Saban at Mustapha Abdullah, mga residente ng Barangay Lower Capiton Datu Odin Sinsuat Maguindanao.

Ayon kay Datu Odin Sinsuat Chief of Police Major Rommel Dela Vega na sakay ng motorsiklo at payong-payong ang mga biktima nang tambangan sila ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan gamit ang M16 armalite rifles at M14 sa Brgy Lower Capiton.

Gumanti ang mga biktima at nakipagbarilan sa mga suspek na tumagal ng kalahating oras.

Dahil mahahabang armas ang gamit ng mga suspek kaya malubhang nasugatan ang mga biktima.

Humupa ang engkwentro nang dumating ang mga pulis sa bayan ng Datu Odin Sinsuat at 2nd Mechanized Infantry Battalion Philippine Army.

Ang apat na nasugatan ay agad dinala sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Radjack.

Bago tinambangan ang grupo ni Radjack ay galing ito sa pagpupulong sa kanilang barangay hall kung saan tinalakay ang pag-iimplementa ng road clearing operation.

Rido o awayan sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad sa pananambang sa mga biktima na patuloy pa nilang iniimbestigahan.