CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang ilang mga sibilyan nang magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao dakong alas-8:05 nitong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, sumiklab ang engkwentro sa pagitan nina Brgy Kapitan Yasser Diakal ng Barangay Darampua sa Sultan Sabarongis sa Maguindanao at Kumander Pia Mabang ng Moro Islamic Liberation Front.
Tumagal ng halos isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Dahil sa takot ng mga sibilyan na maipit sa gulo ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.
Sinabi ni 33rd Infantry Battalion commanding officer Lt. Col. Elmer Boonggaling, matagal nang naayos ang alitan ng dalawang grupo at ngayon ay muling nagkasagupa sa ‘di pa malamang dahilan.
Sa ngayon ay patuloy na nagsisikap ang LGU-SSB katuwang ang pulisya at militar para humupa ang bakbakan ng magkaaway na grupo