CENTRAL MINDANAO – Patay ang umano’y isang drug dealer at apat ang nahuli sa isinagawang drug buy bust operation ng mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Angkino Mamalangkas habang nahuli naman sina Saidemen Sanday Mutalib, Juhaimir Lumenda Utto, Salipudin Tasil Maslamama, at Edito Banas de la Cruz, mga residente ng SPDA Village, Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat Maguindanao.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) regional director Juvenal Azurin na nagsagawa sila ng drug buy bust operation sa ‘di kalayuan sa drug den ng mga suspek.
Habang nasa kasagsagan ng operation ay natunugan umano ni Mamalangkas na mga PDEA agent ang kanyang katransaksyon kaya nagtangka itong manghagis ng granada hanggang binaril siya ng mga operating troops.
Aabot naman sa 15 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000 ang nasamsam ng mga otoridad.
Dagdag ni Director Azurin, matagal na nilang minamanmanan ang iligal na aktibidad ni Mamalangkas na nagpapatakbo rin ng drug den.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of explosive ang mga nahuling suspek.