-- Advertisements --
image 27

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mayroong isang indibidwal na nasawi habang mahigit 77,000 katao ang apektado dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Betty.

Sa latest report mula sa ahensiya, ang mga residenteng apektado ng bagyo ay mula sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa at Western Visayas.

Mayroon ding isang indibidwal ang napaulat na nasugatan.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Raffy Alejandro, nag-iwan naman ng minimal damage o pinsala ang bagyo sa sektor ng agrikultura at imprastruktura.

Ang inisyal na halaga ng pinsala sa imprastruktura ay nasa humigit kumulang P68,695 habang sa halaga naman ng pinsala sa agrikultura ay umaabot sa P25,000.

Nakapagpamahagi na rin ang pamahalaan ng kabuuang P9.74 million tulong para sa mga residente na apektado ng bagyong Betty.

Una rito, nagdulot ng matinding mga pag-ulan at malakas na hangin ang bagyong betty na pinaigting pa ng southwest monsoon o hanging habagat.

Nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Betty nitong hapon ng Huwebes, Hunyo1.