-- Advertisements --

Nasawi ang drayber ng isang multicab habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos nawalan ng preno ang minamanehong sasakyan at bumangga sa puno noong Martes, Marso 4, sa Sitio Dunga, Barangay Malaunay bayan ng Valencia, Negros Oriental.

Kinilala ang nasawing driver na si Norberto Cabristante 49 anyos habang sugatan naman ang isang 36 anyos na si Junryl Catubig na parehong residente ng naturang lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PCPT Donicko Angeles, Officer-in-Charge ng Valencia Municipal Police Station, inihayag nito na patungo sana sentro ang mga biktima para sana dalhin ang mga inaangkat na produkto nang bigla umanong nawalan ng preno ang minamaneho nitong multicab.

Sinabi pa ni Angeles na maliban sa hindi maganda ang kondisyon ng sasakyan ay pakurbada umano ang kalsadang binabaybay ng mga ito.

Sinubukan pa umano ng driver na kumambyo ngunit hindi na ito gumana kaya napilitang tumalon mula sa sasakyan ang isang biktima habang naiwan ang driver bago ito bumangga sa isang puno.

Dahil sa lakas ng impact ay nayupi ang sasakyan at naipit si Cabristante na nagpahirap sa mga responders sa pag extract ng katawan nito.

Naisugod pa ang dalawa sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian ng buhay ang driver ng multicab habang patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan si Catubig.

Payo naman ni Angeles sa mga motorista na ugaliing suriin ng maigi ang kondisyon ng sasakyan bago gamitin o bago bumiyahe.

Aniya, mas mainam na suriin ang Brake, Lights, Oil, Water, Battery, Air, Gas, Engines, Tires, at ang sarili o ang B.L.O.W.B.A.G.E.T.S upang maiwasan ang hindi inaasahang mga ganitong klase ng aksidente sa daan.