Binawian ng buhay ang isang bumbero habang 19 katao ang nawawala sa France at Italy matapos ang pananalasa ng malakas na bagyo sa border region ng dalawang bansa.
Ayon sa mga otoridad, ang nasabing bagyo na pinangalanang “Alex”, ay humagupit sa ilang mga kanayunan sa paligid ng siyudad ng Nice sa French Riviera.
Sinabi ni Nice Mayor Christian Estrosi, ito na raw ang pinakamalalang sakuna na naranasan ng lugar sa loob ng mahigit isang siglo.
Nasa walong katao rin ang nawawala sa France, na kinabibilangan ng dalawang bumbero na nakasakay sa sasakyan na tinangay umano ng tubig mula sa umapaw na ilog.
Habang sa Italy naman, may isa nang binawian ng buhay habang nasa 11 katao ang napaulat na nawawala.
Isang bumbero ang namatay matapos madaganan ng puno sa Valle d’Aosta region, habang tatlong katao naman na nakasakay sa isang van ang inanod ng baha sa bahagi ng Val Roya.
Anim na German trekkers din ang kasama sa mga nawawala nang hindi na makabalik mula sa kabundukan sa lalawigan ng Cuneo.
Nanawagan naman si Piedmont regional chief Alberto Cirio na magdeklara na ng state of emergency. (Reuters)