-- Advertisements --

LA UNION – Nasa ospital pa rin ang 16 na sakay ng elf truck na tumagilid sa kahabaan ng national highway sa Barangay Santiago sa Bauang, La Union, dakong alas-6:45 kaninang umaga.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Bauang Police, galing umano ang sasakyan ng mga biktima na minamaneho ng isang Rufo Perez na namitas ng mga bunga ng mais sa Barangay Bucayab at pauwi na sana ang mga ito sa bayan ng Aringay nang mangyari ang aksidente.

Base sa salaysay ng driver, tinangka nitong iwasan ang kasalubong na sasakyan na umagaw sa kanyang linya kasunod ang pagtagilid ng truck matapos mawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho.

Tumilapon ang mga pasahero at nagkalat sa kalsada ang saku-sakong kaaaning mais na lulan ng sasakyan.

Kaagad sumaklolo ang pulisya at ang mga kawani ng Bauang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang isugod sa Ilocos Training and Regional Training Center sa San Fernando City ang lahat ng sugatang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival si Norma Fang ng Tubao, La Union, dahil nabagok daw ang ulo.

Samantala, patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang nagmamaneho ng hindi pa nababatid na uri ng sasakyan ang sumalubong sa truck at kung may pananagutan ito sa aksidente.