-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patay ang isang pasahero habang sugatan naman ang 47 iba pa kasama na ang driver at konduktor matapos matumba ang Ceres bus sa siyudad ng Bago, Negros Occidental nitong Lunes ng tanghali.

Sa panayam sa deputy chief ng Bago City Police Station na si P/Cpt. Reynaldo Severino, pasado alas-12:00 ng tanghali nang mangyari ang aksidente sa bahagi ng Barangay Pacol.

Galing sa lungsod ng Bacolod ang bus na minamaneho ni Almer Paro, residente ng Caminddangan, Sipalay City at papasok na sana sa Crossing Pili sa nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon kay Paro, mabagal lang ang kanyang pagpapatakbo at nang pumreno na ito, bigla na lang nagpagewang-gewang ang bus, at umikot hanggang sa ito ay natumba.

Umabot naman sa 31 na pasahero ang dinala sa Bago City District Hospital habang dinala naman sa pagamutan sa lungsod ng Bacolod ang iba pa.

Halos hindi naman makilala ang namatay na si Anna Mae Declaro, 28-anyos dahil sa mga sugat sa kanyang ulo.

Ayon naman sa ama ng biktima na si Elmer Declaro, galing sa Bago ang biktima kasama ang kanyang inang si Mae at kanyang bunsong kapatid at papauwi na sana ang mga ito sa bahay nila sa Don Jorge Aranate nang maganap ang aksidente.

Kaagad namang pumunta sa lugar ang media relations officer ng Vallacar Transit Incorporated na si Jade Seballos upang asikasuhin ang medical assistance para sa mga pasaherong nasugatan.