BACOLOD CITY – Isa ang naitalang patay kasabay ng malawakang pagbaha sa northern Negros Occidental simula kagabi hanggang kaninang umaga.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, ang lalaki ay natagpuang wala nang buhay sa kanilang bahay sa Silay City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Alex Muñoz, pinuno ng Silay City Disaster Risk Reduction and Management Office, inaalam pa ang ikinamatay ng biktimang si Mardy Lomanog ng San Herman, Barangay Guimbalaon.
Sinasabing bumalik ang biktima sa kanilang bahay ngunit ito ay bumigay at na-trap ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa Silay City, umabot sa 193 na mga pamilya o 730 na mga indibidwal ang kabuuang apektado ng pagbaha.
Ayon kay Silay City Social Welfare Assistant Maricar Pueda, pitong barangay ang apektado sa kanilang lungsod.
Kaninang tanghali, nagsiuwian na ang mga evacuees matapos humupa ang baha at dalawang pamilya nalang ang naiwan sa Silay City Civic Center.
Nakauwi na rin sa ngayon ang karamihan sa mahigit 1, 100 na mga pamilya na nag-evacuate sa Victorias City at nanatili kagabi sa coliseum ng lungsod.
Ayon naman kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, patuloy ngayon ang evaluation ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pinsala ng pagbaha sa northern Negros Occidental upang makabigay ng tulong ang provincial government.