-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Isa ang patay, isang sugatan at isang menor de edad naman ang naaresto matapos umanong manlaban sa isinagawang dalawang magkahiwalay na buy bust operation ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Southern Leyte at Hindang, Leyte.

Sa unang, operasyon sa Brgy. Tagbibe, Hindang, patay ang suspek na kinilalang si Joel Jundis at arestado naman ang kasama nitong isang menor de edad na si Judy Anne Colasito.

Ayon kay PDEA-8 Regional Director Edgar Jubay, matagal na nilang sinusundan ang naturang high value target sa drug watchlist ng Hilongos, Leyte.

Nang makatunog ang dalawang suspek sa pagdating ng mga otoridad habang mayroon silang katransaksyon ay agad na bumunot ng baril si Jundis at nakipagpalitan ng putok sa mga kinauukulan.

Idineklarang patay si Jundis sa mismong crime scene samantalang isinugod naman ang menor de edad na si Colasito sa Hindang Municipal Police Station para sa pag-turn over nito sa Municipal Social Welfare and Development.

Samantala, sa hiwalay namang operasyon sa Brgy. Combado, Maasin City, Southern Leyte, sugatan ang suspek na si Robert Garcia Medilo matapos manlaban daw sa mga otoridad.

Ani Jubay, una nang naaresto ang suspek noong nakaraang mga taon pero nakalaya ito sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.

Sa ngayon ay nakadetine na ang naturang suspek at nahaharap din sa karampatang kaso.