CENTRAL MINDANAO-Nagsilikas ang mga sibilyan sa engkwentro ng magkaaway na grupo sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Nakilala ang nasawi na si Khalid Mindalagat na kasapi umano ng isang Moro Fronts.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Noel Sermese na nagkasagupa ang dalawang grupo sa liblib na lugar sa hangganan ng Barangay Dungguan at Brgy Talapas Datu Montawal Maguindanao.
Dahil sa tindi ng ilang araw na palitan ng bala gamit ang mga matataas na uri ng armas ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar.
Kinomperma naman ni Datu Montawal Chief of Police Lieutenant Nurjhasser Sali na alitan sa pamilya o rido ang ugat sa engkwentro at walang kinalaman ang pamunuan ng kanilang kinaaaniban na grupo.
Inihayag ni Datu Montawal MDRRMO Officer Balumol Kadiding na tinatayang nasa higit 500 pamilya ang lumikas bunsod ng engkwentro ng magkaaway na grupo.
Nagpaabot na ng tulong ang Datu Montawal LGU sa pamumuno ni Mayor Datu Otho Montawal sa mga bakwit o Internally Displaced Persons (IDPs) na lumikas patungo sa mga ligtas na lugar.
Nakipag-ugnayan ang LGU at mga otoridad sa GPH–MILF CCCH para mamagitan at makipagpulong sa magkalabang grupo.