CENTRAL MINDANAO- Lumikas ang mga sibilyan nang magkasagupa ang dalawang Moro Fronts sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Sulaiman Mingkot Macauyag,myembro ng 128th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at residente ng Barangay Macaguiling Sultan Kudarat Maguindanao.
Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat PNP na sinalakay ng grupo ni Kumander Samad ng Kutawato Empire ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang tahanan ni Macauyag.
Lumaban ang grupo ni Macauyag at nagtagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig.
Nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan at buhol-buhol na pagka-antala ng daloy ng trapiko sa national highway.
Agad namang humupa ang bakbakan nang magresponde ang tropa ng Philippine Marines at pulisya.
Sugatan si Macauyag sa engkwentro at naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian rin siya ng buhay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mapayapang negosasyon ng mga lider ng MILF,MNLF at local officials sa alitan ng dalawang pamilya.