-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mechanical error ang nakikitang dahilan sa nangyaring karambola ng tatlong sasakyan na ikinasawi ng isang tao sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay Harana, Luna, Isabela.

Kabilang sa mga sangkot na sasakyan ang isang montero na minaneho ni Harris Chua, 40 anyos, may asawa, residente ng Cauayan City; isang tricycle na minaneho ni Melvin Jay Torres, 30 anyos, may asawa, sakay nito na si Raven Alcantara, 16 anyos na kapwa residente ng Santiago City at isang Fortuner na minaneho naman ni Joerle Cedeno Jr., 69 anyos, may asawa, empleyado ng DAR sa San Fermin, Cauayan City at residente ng Baluarte, Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Pedro Bunagan, Deputy Chief of Police ng Luna Police Station, binabagtas ng tricycle ang lansangan patungong timog na direksyon nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla itong umagaw ng linya dahilan para sumalpok sa paparating na montero at mabangga naman ng isa pang sangkot na sasakyan.

Aniya, sinubukan namang iwasan ng tsuper ng montero ang tricycle subalit nabulaga umano ito.

Galing sa lunsod ng Cauayan ang tsuper ng tricycle at sakay nito upang kumuha ng kanilang paninda.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita na matulin ang pagpapatakbo ni Torres sa minamaneho niyang tricycle.

Bukod dito ay luma na rin ang tricycle at mabigat din ang karga nito na nakikitang dahilan kaya nagkaroon ng depekto ang naturang tricycle.

Agad na binawian ng buhay si Torres dahil sa mga malalang sugat na kanyang tinamo habang isinugod naman sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago ang sakay nitong menor de edad.

Ayon kay PLt. Bunagan, nag-usap na ang mga sangkot at pamilya ng biktima at napagkasunduan na hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ni Torres.