ROXAS CITY – Isa ang kompirmadong namatay sa nangyaring lindol sa Timog-Silangan ng Cataingan, Masbate.
Ito ang kinompirma mismo ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Venus Rojo sa panayam ng Bombo Radyo.
Ayon kay Rojo, isang residential building na may pinauupahang swimming pool at cottages sa Barangay Concepcion na pagmamay-ari ng retiradong pulis ang nag-collapse.
Dahil dito, na-trap sa gumuhong gusali si Retired Col. Gilbert Sauro.
Sinabi pa ni Rojo na may mga tahanan rin at ilan pang gusali ang gumuho.
Maging ang nagsisilbing quarantine facility ng bayan ay may mga nakita ring biak, kung kaya’t pansamantalang inilipat ang mga naka-isolate na mga indibidwal.
Pansamantala namang ipinagpaliban ang pasok sa mga opisina ng gobyerno, pati na rin ang iba pang mga establisiyemento.
Wala rin sa ngayong kuryente sa naturang bayan kasunod ng pagyanig.
Nagpapatuloy sa ngayon ang operasyon ng mga kasapi ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at iba pang rescue teams sa mga gusaling nasira.