-- Advertisements --

Patay ang isa sa mahigit 30 taong sakay ng isang mini bus nang bumangga ito sa isang oil tanker sa Roman Highway, Mariveles, Bataan, habang kritikal naman sa ospital ang driver ng tanker.

Ayon kay PSupt. Cris Conde, chief of Police ng Mariveles na dead on arrival sa Balanga General Hospital ang isang konduktor ng ibang bus na nakisakay lang sa mini bus.

Kinilala ang biktima na si Rowel Cuadro na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan sa lakas ng impact ng pagkakabangga ng kanang bahagi ng harapan ng bus sa driver’s side ng tanker.

Nasa kritikal na kondisyon naman ngayon sa ospital ng driver ng tanker na kinilalang si Felix Sandigan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay lumalabas na mabilis ang takbo ng mini bus na minamaneho ni Ronald Ramos.

Sinabi ni Conde na tumatawid na sa opposite lane ang tanker galing sa pinagkukuhanan nito ng gasolina sa Mariveles nang humaharurot na paparating ang mini bus.

Hawak ngayon ng pulisya ang driver ng mini bus na si Ramos para sa pagsasampa ng mga mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple injuries at damage to property.

Nagtamo ng minor injuries ang 32 pasahero ng mini bus.

Ilan sa mga ito ay nakauwi na habang ang iba ay nasa himpilan ng pulisya sa Mariveles para sa pagsasampa ng reklamo laban sa driver.