TUGUEGARAO CITY – Isa na ang naitalang patay sa pananalasa ng bagyong Ramon sa lalawigan ng Apayao.
Ayon kay Albert Bacuyag ng MDRRMO Conner, Apayao, natagpuan ng mga residente ang bangkay ng biktimang si Jasmar Bandong, 40-anyos ng Barangay Daga.
Nabatid na tinangay ng rumaragasang tubig ang biktima habang tumatawid sa sapa nang pauwi na sa kanilang bahay.
Samantala, umabot na sa inisyal na P2 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura gaya ng pananim na palay sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan kung saan naglandfall ang bagyo.
Ayon kay Richard Alibania, municipal agriculture officer ng Sta. Ana na tuluyan ng nasira bagyong Ramon ang noon ay partially damaged na 98 ektaryang pananim na palay nang manalasa ang bagyong Quiel.
Bukod pa aniya ito sa mga natibag na mga irrigation canal at farm to market road na patuloy na ina-assess ng municipal agriculture office at engineering office.
Sinabi ni Alibania na niragasa ng mga malalaking troso mula sa bundok Sierra Madre ang mga naturang pasilidad ng magkaroon ng flashflood dahil sa malalakas na buhos ng ulan na dala ng bagyo.
Dahil dito, marami umano sa mga magsasaka ang posibleng hindi makapagtanim ng palay sa susunod na cropping season kung hindi ito kaagad maayos.
Inihayag pa niya na halos isang daang baka, baboy, manok at pato ang naanod nang malubog sa tubig baha ang maraming barangay ng Sta Ana.
Inaasahan na ilalabas bukas ang kabuuang damaged assessment ng sta ana sa iniwang pinsala ng bagyo.
Sa ngayon ay patuloy pa rin inaalam ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang kabuuang pinsala na dulot ni Bagyong Ramon.