-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagpatutuloy sa ngayon ang assessment ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay sa nangyaring magnitude 6.6 na lindol na sentro ang bayan ng Tulunan, North Cotabato.

Sa report na ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal, may naitala nang binawian ng buhay at marami ang sugatan matapos ang lindol.

Binawian ng buhay ang biktimang si Nestor Narcisco, 66-anyos, residente ng Bagong Sikat, Brgy GPS, Koronadal City matapos na matabunan ng gumuhong debris mula sa isang bahay.

Maliban dito, marami ding naitalang sugatan matapos na magkaroon ng bitak ang ilang pribado at pampublikong establishemento sa lungsod ng Koronadal at sa probinsya ng North Cotabato.

Tinatayang nasa 100 naman ang dinala sa ospital matapos na mahimatay dahil sa malakas na pagyanig sa lungsod ng Koronadal.

Samantala, nagdeklara naman ng class at work suspension sa lahat ng lebel si Koronadal Mayor Eleordo Ogena upang bigyang daan ang assessment ng mga opisina.

Sinuspende din ang klase sa bayan ng Surallah, Tantangan, Noralla sa South Cotabato at maging sa Kidapawan City dahil sa lindol.

Sa ngayon, nagpaalala din ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa publiko na huwag magpanic at manatiling kalmado dahil mas marami pang aftrshocks ang mararamdaman.

Napag-alaman na kaninang alas 9:04 naitala ang lindol kung saan sentro ang Tulunan, North Cotabato may lalim na 8km at tectonic ang origin. Ito rin ang ika-2 malakas na pagyanig na tumama sa Mindanao ngayong Oktubre.