-- Advertisements --
BAHA TISOY 2
Tisoy flooding

TACLOBAN CITY –Isa ang naitalang patay habang anim naman ang sugatan sa patuloy na pananalasa ng bagyong Tisoy sa Eastern Visayas.

Ang namatay ay kinilala na Joel Baledio, 38 taong gulang at taga Sitio Laray Brgy. Boroc Ormoc City.

Ayon sa report galing sa Police Regional Office 8 dahil sa malakas na hangin ay nadaganan ng punong kahoy ang biktima habang nagmamaneho ito ng motorsiklo pauwi sa kanilang bahay.

Samantala, ayon kay Pol. Capt. Andre Dizon, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office (SPPO), anim na mga indibidwal ang sugatan sa probinsiya ng Samar dahil sa mga gumuhong bubong ng bahay at storm debris.

Agad naman nagresponde ang mga otoridad at ngayon ay nasa maayos ng kalagayan ang mga biktima.

Nananatili naman sa evacuation centers ang aabot sa 24,264 na pamilya sa ibat ibang bahagi ng region 8.

Anim naman na mga pangunahing kalsada sa Samar at Northern Samar ang impassable pa rin dahil sa naitalang pagbaha.

Naitala din ang matinding pagbaha ang ilang parte ng Northern Samar partikular na sa Catarman, Lope De Vega, Pambujan, Mondragon, San Roque, Allen, San Isidro, Calbayog City at sa Gandara, Samar.

Aabot din ng 1,390 na mga istruktura at mga kabahayan sa bahagi ng Northern Samar at Eastern Samar ang nasira dahil sa bagyo.

Nananatili naman stranded ang 1,745 na mga pasahero sa iba’t ibang port ng Eastern Visayas kasama na ang 460 na mga sasakyan.