Nilinaw ng National Task Force on the West Philippine Sea na ang mga barko ng China ang gumawa ng mapanganib na mga maniobra gaya ng pagbangga at paghila habang nagsasagawa ng rotation anad resupply (RoRe) mission ang mga barko ng PH sa Ayungin shoal nitong Lunes.
Sinabi ng Task Force sa isang statement na nagsagawa ng mapanganib na maniobra ang mga barko ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N), China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM).
Gayundin, may isang Pilipino sundalo ang napaulat na nasugatan sa kasagsgan ng pagbangga ng Chinese vessel sa barko ng PH.
Base sa isang mapagkakatiwalaang source, nagsagawa ng medical evacuation ang panig ng PH sa nasugatang sundalo sa kasagsagan ng resupply mission at inaalam pa ang kalagayan nito.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng task force ang tinawag nitong ilegal, agresibo at reckless actions ng mga barko ng China na naglagay sa mga buhay ng mga personnel ng PH sa panganib at puminsala sa ating mga barko na malinaw na paglabag sa international law partikular na ng UNCLOS at 2016 Arbitral Award.
Nagpakita din aniya ng pagtitimpi ang mga tropa ng PH at propesyonalismo, umiwas din na lumala pa ang tensiyon at nagpatuloy sa kanilang misyon sa kabila pa ng ilegal at agresibong mga aksiyon ng Chinese maritime forces.
Committed din aniya ang PH sa pagtataguyod ng mapayapa at responsableng mga aksiyon salig sa international law.
Bilang isa namang miyembro ng international community ang China, inaasahan ng PH na pareho din ang gagawin ng kabilang panig.
Nananatili ding hindi natitinag ang AFP at PCG sa paninindigan sa soberaniya, sovereign rights at hurisdiksiyon ng ating bansa sa WPS.
Ginawa ng Task force ang pahayag matapos na sisihin ng China Coast Guard na ang barko umano ng PH ang lumapit sa Chinese vessel sa hindi propesyunal na paraan na nagresulta umano sa banggaan.
Pinaratangan din ng China ang barko ng PH na ilegal umanong nanghimasok sa karagatan sa Ayungin shoal at binalewala ang makailang beses na babala ng China.