-- Advertisements --
image 202

Hindi pa rin nahahanap ang nawawala at unaccounted na isang Pinay kasama ang kaniyang tatlong anak matapos tumama ang 7.8 magnitude na lindol sa Turkey ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay DFA acting Undersecretary for Migrant Worker’s Affairs Eduardo Jose de Vega, bagamat marahil ay isa ng Turkish citizens ang naturang Pinay at kaniyang mga anak ay nababahala pa rin ang ahensiya para sa kapakanan ng mga ito at umaasang maisasalba pa rin.

Nabatid na ang nawawalang Pinay ay kasal sa isang Turkish national na wala sa kanilang bahay nang tumama ang malakas na lindol.

Ayon kay De Vega ang gusali kung saan naninirahan ang kanilang pamilya ay gumuho nang mangyari ang lindol at tila maliit na aniya ang tiyansa na mahanap dahil sa lima hanggang anim na araw ng nawawala ang mga ito.

Ibinahagi din ng DFA official na ilang mga Pilipino ang nagnanais na umuwi na sa bansa.

Sa ngayon, ilan sa 248 Pilipino ang nasa mga apektadong lugar habang nasa 64 Pilipino naman ang nasa Ankara, capital ng Turkey.