Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may isang overseas Filipino worker na ang napaulat na nasugatan sa nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Sudanese army at paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF) sa Khartoum, Sudan.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega, kanilang bina-validate pa ang profile ng nasabing Pilipino.
Dinala na aniya sa pagamutan ang sugatang OFW matapos madaplisan ng stray bullet subalit nagpapagaling na aniya ito at hindi malubha ang kalagayan.
Sa kabutihang palad, walang Pilipino ang napaulat na nasawi sa kaguluhan.
Iniulat din ng Department of Foreign Affairs na mayroong 87 request na natanggap ang Embahada ng Pilipinas sa Egypt kung saan nagpapasaklolo ang mga Pilipino na naiipit sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Sudan para mailikas at ma-repatriate.
Ayon kay USec. De Vega na 37 dito ay humiling na ma-repatriate habang 49 naman ang humiling na ma-relocate.
Pinapangasiwaan na rin aniya ni Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago ang naturang usapin bilang honorary consul para sa Sudan.
Inihayag din ni De Vega na ang land travel mula sa Khartoum na siyang sentro ng kaguluhan sa Sudan ay posibleng abutin pa ng siyam na oras.
Iniulat din ng DFA official na nasa 400 Pilipino ang nasa Sudan kung saan tumaas pa ang bilang ng mga Pilipino na nagpatala mula sa dating 250 lamang nang sumiklab ang kaguluhan doon.
Patuloy pa rin ang abiso sa mga Pilipino sa Sudan na manatili sa loob ng kanilang tahanan habang naghahanap pa ng paraan ang Philippine Embassy in Egypt para mahatiran ang mga ito ng pagkain.
Sa datos ng Sudan health ministry, simula ng sumiklab ang kaguluhan sa naturang bansa nasa 270 katao na ang napatay habang nasa 2,600 ang nasugatan.
Nag-ugat ang labanan sa pagitan ng Sudan military at Rapid Support Forces paramilitary group kasunod ng dispute kaugnay sa planong pag-anib ng RSF sa regular army tungo sa hangarin na maibalik ang demokrasiya sa nasabing bansa.