CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang pulis at tatlo ang nasugatan sa inilunsad na anti-illegal drugs operation sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Patrolman Immanuel David Padronia Vales habang sugatan si Patrolman Mario Bellisario Rapusas,mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (PNP-RMFB-12) habang nagtamo ng saksak sa paa si PSSG James Byron Lagarto,nakatalaga sa Alamada Municipal Police Station (MPS).
Patay rin ang target sa operasyon na si Pilong Salangan at sugatan ang kanyang kasama na si alyas Mocad.
Ayon kay Alamada Chief of Police Major Sunny Leoncito na magsisilbi sana sila ng warrant of arrest laban kay Salangan sa bahay nito sa Sitio Maracabak Barangay Guiling Alamada Cotabato katuwang ang mga tauhan ng RMFB-12,PDEA-12 at 34th Infantry Battalion Philippine Army.
Papasok pa lamang ang raiding team sa tahanan ng kanilang target ay pinaputukan na ito ng mga suspek na humantong sa palitan ng bala sa magkabilang panig.
Patay ang target ng PNP at sugatan ang nahuli niyang kasama,kung saan ay may nakatakas pa umano.
Patay naman si Patrolman Vales,malubhang nasugatan si Rapusas na nagtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang katawan habang may sugat sa paa si PSSG Lagarto na sinaksak ni alyas Mocad nang tinangka nitong mang-agaw ng baril.
Kinomperma ni Major Leoncito na si Salangan ay may warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng pulisya at militar laban sa mga kasamahan ni Salangan na nakatakas sa inilunsad na Anti-illegal drugs operation sa bayan ng Alamada Cotabato.