-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring aksidente sa daan sa bayan ng Tupi, South Cotabato na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tupi PNP chief of police Maj. Verlin Pampolina, batay sa inisyal na imbestigasyon, habang papauwi sa bayan ng Polomolok ay bigla na lamang umanong lumiko ang Toyota pickup na minamaneho ni PCpl. Rolisher Gamueta sa Toyota Land Cruiser na minamaneho naman ni Jumar Josol kasama ang mga pasahero na sina Arturo Uy at Ray Salvaloza habang papunta naman sa salungat na direksyon.

Kaagad isinugod sa bahay-pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay ang 40 anyos na si Cpl. Gamueta habang nasa lungsod ng Heneral Santos nagpapagaling ang tatlong biktima.

Inaalam na ng mga kapulisan kung ano ang naging dahilan ng naturang aksidente.