CAUAYAN CITY – Isinailalim sa Calibrated Total Lockdown ang Purok-6, Barangay Sinsayon, Santiago City matapos magpositibo ang isang residente na walang travel history sa mga lugar na infected ng virus.
Kinumpirma ng pamahalaang lungsod ng Santiago ang pagkakatala ng panibagong kaso ng COVID-19 sa katauhan ni Patient CV 976, 67, na ginang na residente ng Purok 6, Sinsayon, Santiago City.
Nakaranas ng lagnat, panghihina ng katawan at nahirapang umihi simula ika-25 ng Agosto ang pasyente.
Ang pasyente ay dinala sa Southern Isabela Medical Center noong ikatatlo ng Setyembre at kinabukasan ay kinunan ng specimen sample at nakumpirmang COVID-19 positive.
Agad nagpalabas ng Executive Order si Mayor Joseph Tan kaugnay sa pagsasailalim sa calibrated total lockdown sa Purok 6 Brgy. Sinsayon, Santiago City upang bigyang daan ang malawakang Contact Tracing at disinfection activity sa nasabing lugar.
Nitong Linggo ng tanghali nagsimula ang Calibrated Total Lockdown sa Purok 6, Barangay Rizal at matapos ang ika-10 ngayong Setyembre.
Mahigpit na ipapatupad ang home quarantine sa mga apektadong residente at papayagan lamang lalabas kung mayroong emergency case.
Maari namang ipasuyo sa mga barangay tanod ang pagbili ng pangangailangan ng mga residente sa nabanggit na lugar.