Dahil sa humanitarian consideration kaya ipinasakamay ng militar sa nagpakilalang nanay ang ulo ng isa sa dalawang bombers na sumalakay sa kampo ng 1st Brigade Combat Team sa Barangay Tanjung, Indanan, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WestMinCom) commander, MGen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na nagpunta sa militar ang isang “Vilma” na umano’y ina ng bomber at inaako ang ulo na kanya itong anak na nakilalang si Norman Lasuca, 23.
“Nakita daw niya sa internet, may nagpa-picture na may ISIS flag. Nakilala kasi yung pangalan at nakarating sa kanya ang balita kaya pinuntahan niya sa morgue ng Camp Heneral Teodulfo Baustista Station Hospital sa Busbus, Jolo, ‘yun nakita niya na anak talaga niya,” wika ni Sobejana.
Batay sa kuwento ng nagpakilalang nanay, taong 2014 pa hindi na umuuwi ang kaniyang anak na si Norman at elementary lamang ang natapos.
Ang umano’y bomber na si Lasuca ay ipinanganak sa Brgy. Asturias, Jolo at ang ama nito ay balik Islam habang ang nanay ay Tausug.
Si Lasuca ay miyembro umano ng teroristang Abu Sayyaf sa ilalim ng grupo ni Hatib Hajan Sawadjaan na nanumpa ng katapatan sa ISIS.
Inihayag naman ni Sobejana na “Caucasian” ang ikalawang bomber na bata na tila hawig sa isa sa dalawang batang Moroccan na may edad 10 at 11 years old na nakuhan ng video noon ng militar nang makasagupa nila ang grupo ni Sawadjaan.
Binigyang-diin naman ni Sobejana na mataas ang posibilidad na suicide bombers ang dalawa.
Ayon kay Sobejana na hindi pa kumbinsido ang militar na nanay ng isang bomber ang nag-claim ng ulo kaya hihintayin pa rin nila ang resulta ng DNA test.
“It was claimed yung head and accordingly, she is the mother kasama kung isa pa niyang anak so binigay natin, hindi naman natin ipagdadamot natin yun dahil gusto nila bigyan ng decent na burial,” ani Sobejana.