Nakilala na ang isa sa dalawang casualties sa nangyaring dalawang magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Manila kahapon na si Mohammad Bainga.
Habang patuloy pang tinutukoy ang isa pang nasawi.
Kinilala na rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilan sa mga nasaktan sa magkasunod na pagsabog.
Sa unang pagsabog ang mga asugatan ay sina: Jaber Gulam na tubong Lanao Del Sur, nakasalukuyang ginagamot sa Mary Chiles General Hospital; Datu Sohair Adapun, tubong Marawi City na isinugod din Mary Chiles General Hospital; Hajhi Ali na residente ng Gunao, Quiapo ay isinugod sa UST Hospital.
Sa ikalawang pagsabog sugatan sina Police Chief Inspector Elisa Arturo, chief chemist Manila Police District (MPD) Crime Lab na isinugod sa Manila Medical Center; at si PO2 Aldrin Resos, EOD unit ng MPD.
Habang kinikilala pa ang identity ng isa pang nasugatan.
Nilinaw naman ng NCRPO na ang ikatlong pagsabog ay sinadya ng mga otoridad na ginamitan ng bomb disruptor dahil may nakitang isang kahinahinalang bag na nakakabit sa upuan ng isang motorsiklo.
Todo paalala naman ang NCRPO sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng nangyaring pagsabog.
Tiniyak naman ni NCRPO Director Oscar Albayalde,na kontrolado pa rinng Philippine National Police ang sitwasyon.
Hiniling naman ni Albayalde sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, lalo na sa social media, upang maiwasan ang panic.
Hinimok din nito ang publiko na maging mapag-matyag at i-report kaagad sa pulisya kung may napapansin silang kahina-hinala sa paligid.