-- Advertisements --
Patikul Sulu map
Sulu

Kinumpirma ng militar sa Sulu na isa sa dalawang pinaghahanap na suicide bomber ay napatay sa panibagong engkuwentro sa Sulu.

Tinukoy ni 11th ID at JTF Sulu Spokespetson LtCol Gerald Monfort, na ang napatay na Abu Sayyaf terrorist kamakalawa na si Nanz Sawadjaan ay hindi bomb maker, kundi suicide bomber.

Paglilinaw ni Monfort, si Nanz ang nakababatang kapatid ni Tausug bomb-maker Mundi Sawadjaan.

Unang napaulat na si Nanz ay isang bomb-maker na nakababatang kapatid ni ASG leader Hatib Hadjan sawadjaan.

Ayon kay Monfort, si Nanz ay nagboluntaryo na maging suicide bomber, at isa siya sa dalawang natitirang suicide bombers na hinahanap ng militar.

Unang binunyag ni Wesmincom Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na Lima ang suicide bombers na inatasan ng ASG na magsagawa ng pambobomba sa Sulu, kung saan 3 ang namatay sa magkahiwalay na pambobomba sa mga kampo ng militar sa Indanan noong Hunyo 28 at nito lang nagdaang linggo.

Ang pang-apat na suicide bomber na si Nanz, ay napatay sa enkwentro ng 41st Infantry Battalion at 64th Division Reconnaissance Company sa 40 ASG terrorists na pinamumunuan ni Almujer Yadah, Ben Tattoh, at Apo Mike sa Sitio Tubig Pansol, Brgy. Langhub nitong martes ng tanghali.

Sinabi ni JTF Sulu Commander Mgen Corleto Vinluan na ang pagkakapatay kay Nanz ay isang “momentous achievement”, at naiwasan ang malaking kapinsalaan kung naisakatuparan ni Nanz ang kanyang misyon.