Na-commission na sa Philippine Navy (PN) ang isa sa dalawang Beechcraft King-air TC90 mula Japan na bahagi ng kanilang donasyon sa Pilipinas.
Ginanap ang commissioning ceremony kaninang umaga na pinangunahan mismo ni Philippine Navy Fleet Commander Rear Admiral Gaudencio Collado Jr.
Natagalan ang pag-commission sa dalawang Beechcraft dahil isinailalim pa sa orientation at training ang mga piloto at ang paglagay ng mga navigational equipment na puwedeng gamitin sa maritime air surveillance.
Ayon kay Lt. Sahirul Taib, tagapagsalita ng Philippine Fleet, kanilang in-upgrade ang nasabing aircraft.
Sinabi ni Tai na sa ngayon ay wala pang assignment ang dalawang commissioned na TC90 aircraft dahil nakadepende sa higher headquarters kung saan ito idedeploy.
Hindi naman masabi ni Taib kung kailan maibibigay ang isa pang TC90 aircraft na malaking tulong sa Philippine Navy Fleet dahil mas mapapalawak pa ang magagawa nitong maritime air surveillance.
Sa ngayon ang Philippine Navy Fleet ay mayroong anim na Islander, limang Augusta Westland helicopter, mga helicopter na parang tutubi, at ang dagdag na TC90 Beechcraft na bigay ng Japan.
Una rito nangako ang Japan na magbibigay sila ng limang TC90 Beecraft sa Pilipinas.
“Yung TC90 natin mas malaki siya kesa sa Islander na meron ang Philippine Navy, so with this new aircraft TC90 mas mapapalawak ang maritime air surveillance at kung ano anong activities na pwedeng magamit para sa kaniya,” pahayag ni Taib.