-- Advertisements --

BACOLOD CITY – (Update) Kinumpirma ng pinuno ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army na nakilala na ang isa sa tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) na namatay sa sagupaan laban sa militar sa Calatrava, Negros Occidental, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Brigadier General Benedict Arevalo, ang isang namatay ay kinilalang si Sulpicio Hernan Jr. ng Barangay Bago, Salvador Benedicto, nitong lalawigan.

Hindi pa matutukoy ngayon kung na-claim na ang bangkay ng mga namatay na dinala sa isang punerarya sa katabing San Carlos City.

Ayon kay Arevalo, beneberipika pa kung taga-Negros Oriental ang dalawang namatay dahil Bisaya ang linggwahe ng mga ito habang hinahabol ng tropa ng pamahalaan.

Dahil dito, nanawagan si Arevalo sa mga residente ng Negros Oriental na makipag-ugnayan sa otoridad kung sakaling may kamag-anak ang mga ito na hindi nakauwi.

Umapela rin ang Army official sa mga sugatang NPA members kasabay ng engkwentro na sumuko nalang sa mga sundalo upang sila ay mapagamot.

Sa ngayon, patuloy pa ang clearing operations ng Philippine Army sa Barangay Marcelo, Calatrava na siyang encounter site.