-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Isa sa 37 mga seafarer na dumating sa Aklan noong, Abril 29 ay nagpositibo sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isinagawang press conference ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, sinabi ni Dr. Cornelio Cuatchon, Jr. na asymptomatic ang nasabing seafarer na naka-isolate ngayon sa Aklan Provincial Hospital.

Ang RT-PCR test aniya ang basehan ng Department of Health para opisyal na madeklara ang isang pasyente na confirmed COVID-19 patient.

Agad na isinailalim ang naturang mga seafarer sa swab test at RT-PCR test nang dumating sa isang hotel sa Kalibo para sa 14-day mandatory quarantine mula sa Iloilo port, kung saan, ipinadala ang specimen sample sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo, isang sub-national laboratory.

Sa kabilang dako, fully-recovered na ang apat sa limang kumpirmadong kaso matapos mag-negatibo sa ikalawang repeat test.

Negatibo na rin ang 68 anyos na lay minister, subalit kailangan pa nitong sumailalim sa isa pang repeat test.

Nabatid na ang Aklan ay isinailalim na sa general community quarantine mula sa enhanced community quarantine batay sa nilagdaang Executive Order No. 023 ni Aklan Governor Florencio Miraflores.