Nasa apat na kataong nagtungo sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin ang nagpa-Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test na isinagawa ng Quezon City government.
Ang apat ay nag-avail sa libreng swab service matapos nagtunog sa community pantry na dahil sa dami ng tao ay ikinokonsidera nang mass gathering event.
Ayon kay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) Chief Dr. Rolando Cruz, tatlo sa mga ito ang nagpa-book sa swab appointments sa lungsod na sinasabing asymptomatic naman o walang sintomas ng covid.
Habang ang isa raw ay nakakaranas ng pananakit ng ulo, hindi na rin nakakaamoy at nawalan na rin nang panlasa.
Sinabi ni Cruz na ngayon daw ang ika-limang araw noong nagsagawa ang aktres ng event at eksakto naman ito sa average incubation period ng COVID-19.
Dahil dito, muling hinimok ng opisyal ang lahat ng mga nagtungo sa pantry ni Locsin na agad nang mag-report sa kanila para sa isasagawang libreng swab test.
Maaari raw magpa-book ng appointment ang mga apektadong residente via online sa http://bit.ly/QCfreetest o sa pamamagitan ng CESU Facebook Page https://www.facebook.com/QCEpidemiology … veillance/.
Puwede rin silang tumawag sa mga QC Contact Tracing Hotlines na 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086 at 0931-095-7737.