-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay na nang matagpuan ng mga otoridad ang isa sa apat na mangingisda sa Borongan City, Eastern Samar, na nai-report na nawawala sa kasagsagan ng paghagupit ng Bagyong Ursula.

Una nito, nai-report na missing ang mga pangalang Clyde Lustre, Danilo Benezar, Artemio Ybanez at Fidel Fabiliran, pawang residente ng Borongan City, dahil pumalaot daw ang mga ito kahit alam nilang may paparating na bagyo.

Ayon kay Seaman 1st Jovani Mark Chu ng Coast Guard E. Samar, nakitang palutang-lutang ang katawan ng isa sa mga biktima sa Divinubo Island, Borongan City, na milya ang layo nito sa karagatan kung saan sila nangisda noong Disyembre 24.

Halos hindi na makilala ang biktima ng kanyang pamilya dahil “bloated” na ito kaya nagdesisyon sila na ilibing ito agad.

Patuloy naman ang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard sa tatlo pang mangingisda na missing pa rin.

Sa ngayon ay aabot na sa siyam na katao ang naitalang patay sa Eastern Visayas mula ng humagupit ang Bagyong Ursula kasabay ng Pasko.