-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nasa maayos nang kondisyon ang isa sa apat na sakay ng isang bangka na napaulat na nawawala sa laot noong pang Disyembre 4.

Kinilala ang nasagip na si Rolito Casidsid, 52, kapitan ng bangka at taga-Isla ng Boracay. Natagpuan ito ng mga mangingisda sa Barangay Cocoro, Magsaysay, Palawan habang nakasampa sa kanyang bangka na may pangalang Honey 28.

Kasalukuyang nagpapagaling si Casidsid sa Cuyo District Hospital.

Sinasabing lumubog ang kanilang sinasakyang bangka matapos pasukin ng tubig habang nasa gitna ng laot dahil sa malalaking alon.

Tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap sa ngayon na kinilalang sina Jun Guyo, Juden Martorre at Mary Jane Matorre.

Ayon kay Senior Chief Petty Officer Rufino Abanto ng Philippine Coast Guard (PCG)-Palawan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pumalaot ang apat mula Barangay Manocmanoc at papunta sanang Looc, Romblon upang makipaglibing sa sumakabilang buhay na kaanak nang makasalubong ang malalaking alon.

Sinabi naman ng nakaligtas na isa sa kanilang kasamahan ang namatay at nahulog sa bangka matapos magkaroon ng sugat sa katawan.