Kinumpirma ng PNP Aviation Security Group (Avsegroup) na isa sa pitong indibidwal na hinarang sa NAIA ng Bureau of Immigration (BID) kahapon ay kabilang sa listahan na arrest order na inilabas ng Department of National Defense (DND) na may kaugnayan sa martial law sa Mindanao.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Avsegroup director, C/Supt. Sheldon Jacaban, sinabi nito na ang nasa listahan ng arrest order ay nakilalang si Alnizar Palawan Maute na ngayon ay nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI).
Una nang sinabi ni Atty. Antonette Mangroban tagapagsalita ng BID, apat sa pitong pasahero ang pinigilan ng mga otoridad habang ang tatlo ay pinalaya na.
Sinabi ni Jacaban na ang tatlong iba pang indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG-NCR sa Kampo Crame.
Ang mga ito ay sina: Yasser Dumaraya Maute, Ashary Palawan Maute at Abdulrahman Maute.
Inihayag ni Jacaban na ang tatlo ay nasa blue notice ng Philippine Center on Transnational Crime kung kaya’t isinailalim sa kustodiya ng CIDG-NCR.
Dagdag pa ni Jacaban na pagkatapos ang isasagawang imbestigasyon sa mga ito, ililipat din ang mga ito sa kustodiya ng NBI.