CEBU CITY- Magsasagawa ng komperehensibong imbestigasyon ang pamunuan ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) kasunod ng tangkang pagtakas ng dalawang person deprived of liberty (PDL) ng Cebu City jail noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 11.
Una rito, naalarma ang mga custodial personnel na naka-duty dahil sa maingay na tunog na nagmumula sa bubong ng silid-aralan ng ALS ng jail facility.
Sa pag-verify, nakita ang 2 PDL na umaakyat sa canopy papunta sa perimeter fence sa pagitan ng Cebu City Jail Male Dormitory at ng Operation Second Chance center.
Agad na inalerto ang lahat ng naka-standby na tauhan ng pasilidad at napigilan ang pagtakas ng mga ito.
Sugatan naman ang isa sa mga ito matapos tamaan ang paa nang barilin ng jail officer para hindi ito makatakas.
Matapos ang insidente, nagsagawa naman ng headcount at inventory sa lahat ng 6,124 PDL.
Samantala, kinondena ng Cebu City jail ang insidenteng ito na naglagay sa panganib sa seguridad ng pasilidad.
Ipapatupad naman sa pasilidad ang kritikal na pagpapabuti sa usapin ng seguridad.
“Cebu City jail male dormitory condemns the attempt to jeopardize the security of the jail facility. We are rather committed in ensuring sustainability of humane safekeeping and developmental opportunities to the Persons Deprived of Liberty (PDL). Crtical improvements on security matters will also be implemented in our jail facility,” ayon sa inilabas na pahayag ng Cebu City Jail.