-- Advertisements --
Dacera star witness

Hawak ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang person of interest na posibleng makapagbigay linaw sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa City Garden Grand Hotel sa Makati.

Ayon sa NBI, ang naturang person of interest na naka-check in noon sa Room 2207 ay posibleng gawing state witness kapag na-verify ang kanyang mga testimonya.

Ang naturang indibidwal ay nagpasundo pa raw sa NBI mula sa Tacloban para makapagbigay ng kanyang testimonya.

Umaasa naman ang NBI na maging daan ang naturang person of interest para maresolba ang pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant mula sa General Santos City.

Una na ring nagbigay ng kanilang mga testimonya sa NBI ang 12 persons of interest mula sa Room 2207.

Ang biktima ay sinasabing natagpuang walang malay sa bathtub ng Room 2209 ng naturang hotel noong Bagong Taon.

Makikita sa CCTV camera footage mula sa hotel na ilang ulit na sinundo si Dacera ng kanyang mga kaibigan sa Room 2207 ilang oras bago ito namatay.

Kung maalala, noong Miyerkules, inumpisahan na rin ng Makati Prosecutor’s Office ang preliminary investigation sa mga kasong isinampa ng PNP laban sa mga personalidad na nakasama ni Dacera.