-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Masama ang loob at frustrated ang Pamilya Lumbag matapos masangkot sa pag-hazing sa namatay na si 4th Class Cadet Darwin Dormitorio ang anak nilang si 3rd Class Cadet Felix Lumbag Jr.

Napag-alaman na si Cadet Lumbag ay 19-anyos mula Poblacion, Sagada, Mt. Province at panganay sa apat na magkakapatid ngunit ito ang nag-iisang anak ng kanyang ama sa unang asawa nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Caroline Lumbag, tita ni Cadet Lumbag, masama ang kanilang loob dahil ang mabait at tahimik lamang ang nasabing kadete.

Sinabi niya na noong bata pa si Cadet Lumbag ay hindi kailanman ito nagsumbong kahit na pinagsusuntok pa ito at malalaman na lamang nila ang nangyari dito kung makikita at tatanungin nila ang mga pasa nito.

Iginiit niya na pinilit lamang si Cadet Lumbag na gawin ang pagpapahirap kay Cadet Dormitorio dahil kung hindi rin ito susunod ay ito ang mapapahirapan.

Posible aniyang natakot si Cadet Lumbag kaya nagawa nitong pahirapan ang nasawing kadete.

Dinagdag niya na pumunta ng Baguio City ang stepmother ni Cadet Lumbag para bisitahin ito kagabi kung saan salitan ang ama at stepmother nito sa pagbisita sa kanya mula ng makapasok siya sa loob ng akademya.

Dalangin aniya ng mga ito sa ngayon na ang senior na nag-utos kina Cadet Lumbag ang managot sa nangyari.

Sa ngayon, may abogado na rin si Cadet Lumbag at ipinagdarasal na nila ang sunod na mangyayari.

Napag-alaman sa imbestigasyon na dalawang beses minaltrato ni Cadet Lumbag kasama si 3rd Class Cadet Shalimar Imperial si Cadet Dormitorio noong Agosto at ngayong Setyembre.