BACOLOD CITY – Kinilala ng mga kaanak ni Moises Padilla Councilor Jolomar Hilario ang isa sa mga suspek na pumatay sa opisyal noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa Hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si Police Capt. Junjie Liba, sinabi nitong 11 indibidwal ang kanilang inimbitahan para tanungin.
Nakita raw kasi ang mga ito sa Barangay Sibocauan malapit sa encounter site sa Barangay Quintin Remo habang nagsasagawa ng clearing operations ang militar.
Pero iginiit ng mga inimbitahang indibidwal nanggagapas lamang sila ng tubo sa lugar nang mangyari ang engkwentro, bagay na pinagdududahan naman ni Liba.
Ayon sa Hepe, wala naman daw kasing nakuhang mga gamit sa panggagapas mula sa mga persons of interest na ito.
Wala rin aniyang taniman ng tubo sa lugar kung saan sila natunton.
Samantala, lumikas na ang 2,000 residente kasunod ng nangyaring engkwentro.
Pansamantalang nakikitulong ang mga lumikas sa Guinpanaan National High School- Magballo Extension covered court dahil sa trauma sa nangyaring bakbakan.
Nasa full-alert naman sa ngayon ang Moises Padilla PNP at nagpadala na rin ang Negros Occidental Police Provincial Office ng karagdagang puwersa.