-- Advertisements --

LA UNION – Tinawag na ispekulasyon pa lamang ang kumakalat ngayon na balita na may desisyon nang inilabas ng Court of Appeals (CA) hinggil sa apela ni dating San Fernando City Mayor Herminigildo “Dong” Gualberto matapos ma-dismiss sa puwesto noong May 2019 dahil sa umano’y di tamang paggamit sa pondo ng lokal na pamahalaan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Barangay Kapitan Godofredo Flores ng Barangay Tanqui, San Fernando City, La Union iginiit nito na wala pa silang natatanggap na dokumento mula korte, na magpapatunay sana na may desisyon na ang CA na pumapabor sa dating alkalde.

Sinabi ni Flores na hindi balido kung sa social media lamang o sa facebook page ni ‘Manong Dong’ na lalabas ang impormasyon.

Gayunman aniya, rerespetuhin nila ang anumang magiging desisyon ng korte.

Ngunit giit nito, mayroon pa silang pagkakataon na maghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema, kung saan manggagaling ang pinal na desisyon.

Si Flores ay isa sa mga 47 petitioners at barangay kapitan sa syudad, na tinaguriang KAP 47, na naghain ng reklamo sa Ombudsman laban kay Gualberto.

Noong May 2019, inilabas ng Office of the Ombudsman ang dismissal order laban kay Gualberto dahil umano sa hindi tamang paggamit ng pondo ng lokal na gobyerno, na nag-ugat sa rehabilitasyon ng city plaza na umabot sa halagang P66-M.