Kinumpirma ng mga otoridad sa Police Regional Office 7 na nasawi ang isa pang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, matapos makalaban nito ang pinagsanib na pwersa ng PNP Special Action Force at mga sundalong army.
Sa ngayon, umakyat na siyam ang nasawi sa nangyaring pamamaril.
Ayon kay Philippine National Police Region 7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare hanggang sa ngayon hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing suspek.
Nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations laban sa iba pang mga suspek.
Una ng naaresto sa ikinasang operasyon sa Bayawan City ang tatlo pang suspek na sumailalim sa custodial debriefing at nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa otoridad.
May mga narekober din ang mga otoridad ng mga baril na siyang ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa gobernador.
Kabilang sa narekober ang apat na assault rifles.
Una ng kinumpirma ng Philippine Army na ang dalawa sa tatlong naaresto ay mga dating sundalo na sinibak sa serbisyo dahil sa AWOL at sangkot sa kasong illegal drugs.