-- Advertisements --

May isa ng naitalang nasawi dahil sa paputok 4 na araw bago ang pagsalubong ng New Year.

Ayon kay Department of Health (DOH) spokesperson ASec. Albert Domingo, ang nasawi ay isang 78 anyos na lolo. Sinindihan nito ang paputok na Judas belt na nagresulta sa pagsabog nito dahilan kayat nagtamo ito ng multiple injuries. Isinugod ito sa ospital noong Disyembre 22 subalit binawian ng buhay noong Disyembre 27.

Ayon pa sa DOH, may iba ding mga sakit ang biktima.

Kabilang ang nasawing indibidwal sa inisyal na 125 na kaso ng firecracker-related injuries na nai-rekord mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng DOH mula Dec. 22 hanggang kaninang alas-6 ng umaga ngayong Sabado, Disyembre 28. Sa naturang bilang, 24 ang bagong naitalang kaso ngayong araw.

Nasa 102 sa mga biktima ay nasa 19 na taong gulang pababa habang 23 naman ang 20 anyos pataas.

Pagdating sa kasarian, 114 ay mga kalalakihan habang 11 ang babae na nabiktima ng paputok.

Ayon sa DOH, 91 kaso o 73% ay sanhi ng iligal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo kung saan 75 dito o 60% ay aktibong gumamit ng paputok.

Kaugnay nito, ibinabala ni ASec. Domingo na kahit legal ang paputok delikado pa rin ito kayat mainam na umiwas sa paputok upang manatiling ligtas sa pagsalubong ng bagong taon.

“Kahit legal ang fireworks, delikado pa rin. Bomba pa rin yan. Sumasabog. Nakamamatay. Iwas paputok na po tayo para sa ating buhay”, babala pa ni ASec. Domingo.

Nagpaalala din ang DOH na gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay gaya ng torotot o musika at sakaling mangailangan ng tulong, tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline.