-- Advertisements --

NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P11,600 ang nanakaw ng suspek sa simbahan ng San Antonio de Padua sa bayan ng Camaligan, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na isang nagngangalang Emmanuel Enguero, na nakatira sa nasabing simbahan ang nakapansin na bukas na ang main door ng Camaligan church office at bukas na rin ang isang drawer sa loob nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na pwersahang sinira ng hindi pa nakikilalang suspek ang door knob ng main door ng naturang simbahan kung saan ito dumaan.

Nabatid din na agad itong dumiretso sa drawer kung saan nakatago ang pera ng simbahan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad maging ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilalan at pagkakaaresto ng nasabing suspek.