KORONADAL CITY – Namayani ang tensiyon sa boundary ng bayan ng Pikit, North Cotabato at Pagalungan, Maguindanao matapos na magkasagupa ang dalawang pamilyang matagal na umanong may hindi pagkakaunawaan.
Ito ang inihayag ni Capt. Razul Pandulo, deputy chief of police ng Pikit PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Pandulo, matagal na umanong may family feud sa pagitan ng pamilya Talusob at Mangimlas dahil sa agawan sa lupa sa Barangay Nabundas sa bayan ng Pikit at Barangay Namli ng Pagalungan.
Maging sina Mayor Sumulong Sultan ng Pikit at Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod ay nag-usap na upang pumagitna sa nag-aaway na pamilya.
Unang nangyari ang tensiyon noong nakaraang araw at nasundan naman ito kaninang tanghali.
Sa ngayon rumesponde na ang militar upang masiguro na walang madamay na sibilyan sa nasabing engkwentro.