KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa panibagong pagpapasabog ng granada sa substation ng Municipal Police Station sa bayan ng Tboli, South Cotabato pasado alas-6 kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PO2 Glen Ulysis Lama ng Tboli PNP, hinagisan ng granada ng mga armadong kalalakihan ang substation ng Tboli-MPS sa Sitio Tablugan, Barangay Aflek na nagresulta sa pagkasugat ng isa ka tao.
Kinilala ang sugatan na si Erwin Piang, 25 anyos, utility ng Tboli-MPS substation at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay PO2 Lama, nasa loob ng substation si Piang nang hinagisan ng granada ng mga suspek ang lugar kaya’t tinamaan ito.
Nagtamo ng sugat sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan ang biktima na agad isinugod sa ospital.
Nasira naman ang bahagi ng substation kung saan nawasak ang ilang salamin na bintana nito.
Lumabas sa imbestigasyon na bago pa man ang insidente may nakita ang mga residente na tatlong armadong lalaki na naka-jacket na may bitbit na armas na nasa paligid ng substation kung saan pinaputukan pa ng mga ito ang ilang residente doon.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang motibo ng paghagis ng granada at ang identity ng grupo na gumawa nito.