KORONADAL CITY – Sugatan ang may-ari ng kainan matapos na masunog ang dalawang pwesto ng karenderya sa Datu Piang corner Rizal street sa lungsod ng Koronadal alas-6:30 kaninang umaga.
Ito ang naging kumpirmasyon ni SFO1 Aldin Mallorca, BFP Koronadal Investigator sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mallorca, pagmamay-ari ni Merlita Santos ang gusali kung saan nasunog ang dalawang pwesto na ni-rerentahan nina Virgelio Marcelo ng Bebeng Marcelo Eatery at Rogelio Mariscal ng Gladys Eatery.
Nagsimula ang sunog sa Gladys Eatery kung saan nagluluto umano si Ginang Florida Mariscal ng pritong itlog nang biglang kinain ng apoy ang mainit na mantika at nagliyab ang kawali.
Sa gulat umano ng anak ni Ginang Florida na si Gladys ay sinabuyan niya ito ng tubig subalit biglang lumaki ang apoy at sumabog.
Dahil gawa ang kainan sa light materials ,mabilis na kumalat ang apoy at unti-unting tinupok at nadamay ang kalapit na stall.
Mabilis naman na nakapagresponde ang mga bombero sa lugar at fire out na dakong alas- 6:43 ng umaga.
Umabot naman sa P78,000 ang kabuuang pinsala sa nasabing sunog.