DAVAO CITY – Huli ang anim na mga armadong lalaki matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad dahil sa nangyaring shooting incident sa Purok Sto. Niño, Pagsabangan, Tagum City, Davao del Norte.
Sa nasabing insidente, kritikal ang kondisyon ng sugatang security guard matapos itong nakipagbarilan sa mga suspek na nagtangkang pumasok sa bahay ng chief executive officer ng isa umanong investment scam.
Kinilala ang biktima na si Rommel Ayala, 48, residente ng Sto. Tomas, Davao del Norte.
Batay sa imbestigayon ng pulisya, bigla na lamang dumating ang mga suspetsado sa nasabing lugar at biglang namaril ngunit nakapag-backfire ang biktima kaya tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang get-away vehicle.
Suwerte naman na madaling nakaresponde ang unit ng mobile force battalion ng PNP at nahuli ang mga suspek sa isang checkpoint.
Kinilala ang mga itong sina Reynald Pelong Pangan, 41; Ramil Lariosa Generale, 51; Jhon Paul Dicipulo Padios, 23; Francisco Arresgado Sayon, 26; Euticano Doromol Putente, 61; at Arnold Pacatang Capoy, 48.
Nakuha sa kanilang posisyon ang isang unit ng Elisco M16, Colt M16, long magazine, .45 caliber Armscor, .45 caliber Firestorm at mga bala.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing motibo ng barilan kung may kinalaman ba ito sa nangyaring panloloob sa mga investment schemes sa lungsod.